Biyernes, Marso 18, 2016

LABAN PARA SA BUHAY AT BAYANG MAY DIGNIDAD, PAG-IBAYUHIN - WALDEN BELLO


17 MARSO 2016
SA PAGLULUNSAD NG KAMPANYA NG MINDANAONE - LANAO DEL NORTE CHAPTER
MENSAHE MULA KAY WALDEN BELLO
Mainit na pagbati sa MindanaOne sa paglulunsad ng inyong kampanya ngayong eleksyon tungo sa makabuluhang pagbabago at ang pagtataguyod ng buhay na may dignidad para sa lahat.
Sinasalamin ng adyenda ng MindanaOne ang adhikain ng kampanya natin para sa Senado. Ang pagtakbo ko pong ito ay bahagi ng mas malawak na kilusan para ipaglaban ang buhay na may dignidad at ibangon ang dignidad ng bayan.
Sa kabila ng binabanderang kaunlaran, sadyang napakarami pa rin sa ating mga kababayan ang lugmok sa kahirapan. Ang bilang ng mga mahihirap lalo na sa mga batayang sector ay nananatiling lubhang mataas- mahigit sa 20 porsyento ng mga kababaihan at manggagawa, mahigit sa 30 porsyento ng mga magsasaka, at halos 50% ng mga mangingisdang Pilipino ay mahihirap. Ang sitwasyon ay lalong malala sa maraming bahagi ng Mindanao lalo na sa ARMM areas, kung saan ang mga batayang sector ay humaharap sa mas matinding kahirapan na pinalalala ng kawalan ng serbisyong panlipunan at suporta mula sa Pamahalaan. Ang nararanasang krisis sa pagkain ngayon sa Maguindanao, dulot ng El Nino, ay manipestasyon ng lumalalang sitwasyon sa Mindanao. Ito ay isang napakatinding krisis na naghinitay ng kagyat na lunas ngunit tila walang malinaw at agarang tugon ang pamahalaan.
Ang kawalan ng dignidad sa ating bansa, ang isa sa pangunahing dahilan ng aking pagsabak muli sa pulitika. Matatandaan nyo pong ako ay bumitiw bilang kinatawan sa Kongreso noong nakaraang taon dahil hindi ko na kayang suportahan ang ‘double standard’ ni Aquino, sa pagusig ng kanyang mga kaaway sa isyu ng korpusyon, habang ikinakanlong ang kanyang kaibigan at kapanalig na simbulok rin naman. Nagbitiw din po ako dahil hindi ko nagustuhan ang naging tindig ng Pangulo sa trahedyang nangyari sa Mamasapano, kung saan maraming buhay ang nakitil, at ang inaasam-asam na kapayaan sa Mindanao ay tuluyang nasakripisyo.
Dignidad din ang sigaw n gating kampanya dahil ito ang hangad ng bawat Pilipino. Para sa nakararami ang buhay na may dignidad ay: sariling lupang masasaka, sapat na pagkain, permanente at disenteng trabaho at hanap-buhay, edukasyon, kalusugan, at respeto sa karapatang pantao.
Hangad din ng bawa’t Pilipino na ibangon ang dignidad ng ating Bayan. Hindi dapat tayo maging tau-tauhan sa labanan ng mga dambuhalang mga bansa gaya ng China at US. Dapat din mangibabaw ang interes ng mga mamamayan sa interes ng mga malalaking korporasyon.
Ang karanasan ko bilang isang aktibista, propesor, at mambabatas ang nagpalakas ng paninidigan ko para isulong at ipagpatuloy ang laban sa Senado para sa buhay at bayang may dignidad.
Gaya ninyo sa MindanaOne, at gaya ng maraming mga kababayan natin na sawa-sawa na sa pulitikang TRAPO, ang kampanya nating ito ay laban din sa luma at bulok na pulitika na punot dulo ng isang pamamahalang walang dignidad.
Magkaisa po sana tayong lahat para pag-ibayuhin, lalo na sa eleksyong 2016, ang laban natin para sa buhay at bayang may dignidad.
Maraming Salamat po.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento