Linggo, Pebrero 3, 2019

(PAHAYAG) MALAYANG PLEBISITO! MALAYANG KINABUKASAN! - AKMK - Lanao del Norte

 
Mga Lider ng mga Organisasyong napaloob sa AKMK-Lanao del Norte matapos ang talakayan hinggil sa BOL, Karapatan sa Sariling Pagpapasya, ang Kabataan at ang Plebisito. Kasama sa larawan ay ang kinatawan ng Mindanao Peoples' Peace Movement na si Johnny Balindong na nagbahagi tungkol sa BOL at Plebisito.
Ang Lanao del Norte Cluster ng Alyansa ng Kabataang Mindanao para sa Kapayapaan (AKMK) ay naniniwala na ang kapayapaan ay nakaugat sa pagkilala sa karapatan ng bawat katauhan (Lumad, Bangsamoro, at Migrante) kasama na dito ang Karapatan sa Sariling Pagpapasya, pag-iral ng katarungan, pagsakatuparan sa karapatang pantao at pag-unlad na hindi mapangwasak sa kalikasan. Ang AKMK bilang alyansa ng mga organisasyong kabataan at indibidwal sa Mindanao na nailuwal sa panahon ng all-out-war sa Mindanao noong 2001 ay mahigpit na yumayakap sa kahulugang ito ng KAPAYAPAAN. 

Sa Mindanao ay nasa panibagong yugto ng kasaysayan ang pakikibaka sa Karapatan sa Sariling Pagpapsya ng Bangsamoro. Matapos magkaroon ng Comprehensive Agreement on Bangsamoro ang Gobyerno ng Pilipinas at Moro Islamic Liberation Front bilang pinal na kasunduan noong taong 2014 ay andito na tayo sa panahon ng pagbubuo ng bagong Autonomous political entity. 

Ito ay mahalaga sa buhay ng mga kabataan. Bilang isa sa mga sektor na naiipit sa digmaan, paglikas, pagka-ulila at pagkamuhi ay mahalagang bahagi ito ng aming kasaysayan at buhay. Sa magkabilang panig, ang nasa unang hanay ng digmaan ay naroon ang mga kabataang mandirigma na parehong naniniwala sa kanilang ipinaglalaban kahit na buhay pa ang katumbas. Kaya, lalong mahalaga para sa kabataan ang isang mapayapang pagresolba sa sigalot na kasama ang lahat na sector ng lipunan at mga mamamayan. 

Sa pamamagitan ng plebisito ay niratipika ng mayoriyang 1.7 milyong botante ng mga probinsya at syudad ng dating ARMM at Cotabato City ang Bangsamoro Organic Law na pumalit sa dating Republic Act 9054 o ang batas na gabay-balangkas sa nasabing pampolitikang mekanismo ng Karapatan sa Sariling Pagpapasya ng Bangsamoro. Sa darating na Pebrero 6 ay idadaos ang ikalawang Plebisito para sa iba pang lugar na nais pumaloob sa Bangsamoro. 

Kasama dito ang probinsya ng Lanao del Norte kung saan magpapasya kung sang-ayon o hindi na pumaloob sa BARMM ang anim na munisipyong bahagi nito at ang mga munisipyo ng North Cotabato kung papayag din ba ang mga residente nito na ilan sa mga barangay nito ay mapaloob na sa bagong rehiyon. Kasama ang mga kabataan sa Lanao del Norte na magpapasya dito at titiyakin naming magiging aktibo kami sa pakikiisa at sa paghubog nito. 

Ipinapanawagan natin ang MALAYANG PLEBISITO sa darating na Pebrero 6. MALAYA mula sa paninindak, pananakot at pagdikta sa desisyon ng mga residente. MALAYA mula sa pang-iimpluwensya ng mga politiko at rebeldeng grupo sa halip ay KILALANIN ang PUNDAMENTAL NA KARAPATAN NG MGA MAMAMAYANG MAGPASYA. 

Kasama sa pangarap at partisipasyong ito ay ang mga panawagang: 

- PAGPUKSA sa Dinastiya at Kurapsyon 
- Makabuluhan at Substansyal na Representasyon sa mga Kabataan 
- Substansyal na Pagsakatuparan sa Karapatan at Kagalingan ng mga Kabataan 
- Pantay na Pagkilala sa mga Karapatan ng mga mamamayan (Non-Moro Indigenous Peoples, Bangsamoro, Migrant Settler’s Descendants) 
- Ekonomiya at Kaulanrang Hindi Mapangwasak sa Kalikasan at Buhay at Hindi Yuyurak sa mga Karapatan ng mga Mamamayan 
- Pag-iral ng Pamamahalang taliwas sa kasalukuyang maka-iilan at malayo sa mamamayan. 

Panghuli, ipinapanawagan namin sa lahat na mga KABATAAN sa Lanao del Norte at mga Bayan ng North Cotabato na kalahok sa Plebisito ngayong Prebreo 6 ay lumabas at lumahok nang MALAYA para sa isang MALAYANG KINABUKASAN. 

--------------------------------------------------------------------------- 
Alyansa ng Kabataang Mindanao para sa Kapayapaan-LANAO Cluster / YAPAK Artists Collective – Lanao del Norte /  Kabataang Magsasaka ng Lanao del Norte / Liga ng Makabagong Kabataan – Lanao del Norte / Pigkarangan Youth Service Organization / Kabataang Kababaehan para sa Kapayapaan – Lanao

Pebrero 4, 2019

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento