Ang pagkaroon ng Bangsamoro Organic Law (BOL) at mga nauna pang mga batas ukol sa Autonomous Region for Muslim Mindanao (ARMM) ay mga katas ng tagumpay ng pakikibaka ng mamamayang Bangsamoro kasama ang pakikiisa ng Non-Moro IPs, Migranteng populasyon at lahat na hanay ng lipunan sa Mindanao at bansa para sa lubos na pagtamasa ng kanilang karapatan sa sariling pagpapasya lalong lao na ang karaniwang Masang Bangsamoro. Maliwanag na ang Karapatan sa Sariling Pagpapasya ay isang lehitimong Karapatan bilang mamamayan upang hubugin ang pampolitika, pang-ekonomiya at kultural na kinabukasan nito na higit sa lahat ay magbibigay ng pagbabago sa bawat buhay ng karaniwang mamamayan na napaloob. Kami ay kaisa ng mga Bangsamoro sa pagbubunyi ng tagumpay na ito!
Batay sa karanasan sa ARMM, sa halip na maging pagbabago ito sa buhay ng karaniwang Moro at iba pang mamamayan na napaloob dito ay mga tradisyonal na mga politikong angkan at naging instrumento pa ito sa maka-iilang politika at ekonomiya. Madaling sabihin ang mga numero ng pag-angat sa ekonomiya ng rehiyon ngunit ramdam ba ng karaniwang mamamayan ito? Mas lumalantad ang pang-aabuso sa kapangyarihan at maging sa kalikasan sa rehiyong sana ay magbibigay ng makabuluhang buhay sa kanyang mga pamayanan.
Sa kabila nang magkasalungat na mga pananaw at posisyon ukol sa BOL, kami sa Mindanao Peoples’ Peace Movement (MPPM) Maguindanao & Cotabato Cluster ay kaisa para sa BOL kasabay ang pagsulong sa mga sumusunod:
Makatarungang Kapayapaan sa Pamamagitan ng Pantay na Pagkilala at Pagsakatuparan sa Karapatan ng Lahat ng Mamamayan – Pagseguro na ang kapayapaang ipinangako ng BOL ay nakaugat sa katarungan at hindi lang simpleng sa kawalan ng armadong bakbakan! Pagseguro na hindi maaapakan ang karapatan ng minoryang populasyon na nakatira sa rehiyon!
Katiyakan ng Karapatan at Kagalingan ng Non-Moro IPs - Dahil sa karanasan sa RA 9054, walang pagpatupad sa Indigenous Peoples Rights Act (IPRA) at isang malaking hamon sa ganap na pagsakatuparan sa mga karapatang ayon sa IPRA 1997. At dahil sa BOL ay maliwanag na naisaad ang mga probisyon para sa Non-Moro IPs ay ating tiyaking ang mga nakasaad na mga probisyong magtatanggol at magsakatuparan sa mga karapatan ng NonMoro IPs sa lahat ng aspeto ng ekonomiya at politika ay maging makatotohanan lalo na sa usaping Lupaing Ninuno, Tradisyonal na Pamamahala at Hustisya, Representasyon at mga Serbisyong Sosyal.
Maunlad na Ekonomiya, Kaunlaran, Pangangasiwa ng Yaman na Hindi Nakakasira sa Kalikasan at Masaganang Pamumuhay para sa LAHAT – Tiyakin na kabilang ang lahat ng uri ng mamamayan sa Bangsamoro sa pagtamasa ng isang maunlad na rehiyon. Ang masaganang pamumuhay ay dapat na batid at tinatamasa ng mga ordinaryong mamamayang Moro, Lumad at Migrante katulad ng mga magsasaka, tindera sa palengke, mangingisda, manggagawa sa gobyerno, manggagawang napilitang mangibang bansa at iba pang sektor ng mga manggagawa at hindi lamang nakasentro sa mga iilang tao tulad ng mga politiko at negosyante. At kaularang magtitiyak na hindi masisira ang kalikasan at walang pagyurak sa mga karapatan nang ang mga susunod pa na salinlahi ay makakaranas at matatamasa pa nito. Dahil hindi kailanman sustenable ang kaunlaran kung ang pagwasak sa kalikasan ang nakataya lalo na’t may iba pang henerasyon na darating na kailangan pang mabuhay sa mga yamang ito.
Maayos at Mabuting Pamamahala – Pagseguro sa isang malinaw (transparent), may pananagutan (accountability), demokratiko, may pagkonsulta at naghihimok ng paglahok (participatory) na uri ng pamamahala. Pagseguro na maging daan ang BOL sa pagkakaroon ng mekanismo na wakasan ang matagal nang problema sa rehiyon tungkol sa malayang pagpili sa panahon ng halalan at maging ang paghimok ng mga bagong political leaders at hindi upang mas palakasin pa ang mga political dynasties sa rehiyon!
Tunay at Sapat na Representasyon ng Karaniwang Mamamayan, Sektor at Non-Moro IP sa Parliamento – Pagseguro na may demokratikong mekanismo sa pagpili sa representasyon ng Non-Moro IP at mga sektor sa parliamento! Ibigay sa Non-Moro IP ang isang kinatawan ng kababaihan sa parliamento at hayaang magkaroon ng sariling proseso ang mga Non-Moro IP sa pagpili ng kanilang sariling kinatawan para sa parliamento! Ito’y bilang pagkilala sa presensya at karapatan nila na matagal na ring nakikibaka sa kanilang sariling pagpapasya sa loob ng rehiyon. Seguraduhin rin na ang inilaang reserve seats para sa mamamayang Non-Moro IP at mga sektor ng kababaihan, kabataan at PWD sa parliamento ay hindi pakialaman ng mga politikong sakim sa kapangyarihan at may sariling interes.
Bilang isang kilusan na nagsusulong ng kapayapaan, kami rin ay nananawagan sa lahat ng mga partidong may interes sa BOL, na bigyan ng kalayaang bumoto at magdesisyon ng kanilang sarili ang mga mamamayang kabilang sa plebisito sa darating na January 21, 2019 at Pebrero 6, 2019.
Kinukondena din namin ang lahat ng mga kagulohang nangyayari ngayon na may kaugnayan sa BOL at maging ang mga pwersa sa lipunang nais bulabugin at hadlangan ang prosesong tinatahak ngayon ng Bangsamoro Organic Law!
Patuloy kaming mananawagan sa lahat ng mga mamamayan nang pagkamahinahon subalit maging alerto at mapagmatyag sa mga pangyayari! Huwag basta-bastang maniniwala at pumasa ng mga balita at impormasyon na hindi sinusuri at walang katibayan! Mas tibayan pa ang ating pagkakaisa bilang mga mamamayang Lumad, Moro at Migrante na ngayon ay mas higit na kailangan.
Sa huli, aming pakikiisa at pagsaludo sa lahat ng mga mamamayang Bangsamoro na nakikibaka at nagtaya ng kanilang buhay para sa pag-abot ng mithiing ito! Nawa’y gabayan ang ating mga pinuno sa kanilang mga natutunan at naramdamang kabiguan sa kasaysayan ng ARMM!"
Fatima Lintang-Ali
Chairperson
Mindanao Peoples’ Peace Movement (MPPM) Maguindanao & Cotabato City Cluster
Photo courtesy to OPAPP
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento