Itigil ang pagpaslang sa mga Lumad! Respetuhin ang karapatang pantao at ang karapatang pagpasya sa loob ng mga lupaing ninuno!
Kaming 26 na miyembro ng konseho at peace panel ng Independent Indigenous Peoples’ Voice na nanggagaling sa iba’t-ibang tribu ng Lumad sa Mindanao ay mariin na kumukondena sa walang patid na patayan sa aming hanay. Sa Munisipyo ng Arakan, North Cotabato lamang, anim (6) ka tao na ang namatay simula noong Oktubre 2017 hanggang sa buwan ng Enero ng kasalukuyang taon. Karamihan sa mga ito ay Lumad.
Ayon sa datos na naitala namin sa pagitan noong Oktubre hanggang Disyembre 2017, tatlo (3) ka tao ang pinaslang. Ito ay sina: Dondon Bartolaba, Edgar Arania, Toto Lamana.
Samantala sa pagbukas pa lamang ng taong 2018, tatlong buhay na naman ang muling nalagas. Ito ay sina:
Tommy Agyaman- January 11,2018
Michael Locario January 13, 2018
Ricky Olado- January 28, 2018
Ang mga patayang ito ay nagdulot ng ligalig at takot sa aming mga kumunidad. Ito ay lalong umigting noong pinalawig pa ng isang taon ang deklarasyon ng Batas Militar ng Presidente sa buong Mindanaa. Isa pang nakakabahala ay ang ipinahayag ng Armed Forces of the Philippines at ng Presidente na 75-80% ng mga kasapi ng New People’s Army (NPA) ay Lumad. Kami ay lubos na nabahala sa mga deklarasyong ito lalo na ng binansagan ni Presidente Duterte na terorista ang NPA sapagkat ito ay naglalagay sa amin sa panganib, kahit pa nga kami ay di kaanib sa NPA.
Ang kaso ng pagpatay ay hindi lamang nagaganap sa munisipyo ng Arakan, North Cotabato kundi maging sa ibang probinsiya ng Mindanao, katulad na lamang sa nangyaring pagpatay kay Datu Victor Danyan at ng kanyang pitong (7) kasamahang lider ng katutubong T’boli ng Ned, Lake Sebu noong Disyembre 3, 2017.
Kami ay naiipit sa labanan ng New Peoples’ Army at ng Armed Forces of the Philippines, maging ng ibang armadong grupo at paramilitary ng mga korporasyon na pilit umaangkin sa likas na yaman na matatagpuan sa aming lupaing ninuno. Ang mga armadong awayan na ito ay hindi amin ngunit pilit na ipinadama at ipanalasap sa aming mga katutubo na nagnanais na mamuhay ng matiwasay at tahimik sa loob ng aming mga lupaing ninuno ng walang pangingialam ng ninuman na grupo;
Kaming mga katutubo ay tuliro at pawang walang mapupuntahan sa kasalukuyang sitwasyon. Marami na sa amin ay binabansagan na miyembro ng NPA. Habang yaong pumasok bilang CAFGU ay tinitingnan naman na counter-revolutionary sa panig ng mga NPA. Ang mga ito ay nagdudulot ng malalim na pagkahati-hati ng aming kumunidad at pagkawala ng tiwala sa aming mga kapwa katutubo;
Maging isang miyembro ng konseho ng IIPV ay kasalukuyang nanganganib ang buhay. Noong madaling araw ng Enero 30, 2018, pinasok ang bahay ni Datu Danilo Apang ng tatlo ka tao. Hindi ito kilala ng kanyang pamilya. Nagkataon na wala sa kanyang pamamahay si Datu Apang ng panahong iyon. Dalawa sa mga taong pinatay sa buwan ng Enero 2018 (Agyaman at Olado) ay kanyang mga kamag-anak.
Kami ay nanawagan na itigil na ang mga patayan at bigyan ng hustisya ang mga biktima. Nanawagan din kami sa lahat ng mga may kaukulan, sa panig man ng gobyerno, rebeldeng grupo at iba pa na mga armado na respetuhin ang mga pamayanan ng mga katutubo maging ng aming mga tribal self-governance systems o Indigenous Political Structures (IPS).
Aming hinihimok ang pamahalaan ng Pilipinas at ang Communist Party of the Philippines-National Democratic Front-New Peoples Army na bumalik na sa kanilang pag-uusap. Habang walang negosasyon, walang mekanismo na maaring magagamit ang mga mamayang Lumad na apektado sa sigalot ng dalawang grupo, bagkus, ay naiipit at nabibiktima nito.
Muli naming mariin na isinasaad na ang aming mga teritoryo ay sagrado kung kaya’t ang inyong mga sigalot ay huwag dalhin sa aming mga lupaing ninuno.
References:
Timuay Leticio Datuwata Datu Ayag Quiambao
Chairperson, IIPV Peace Panel Spokesperson, IIPV
0928-7321624 0946-8774542
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento