Ginugunita sa araw na ito ang ika-154 na kaarawan ng Supremo Andres Bonifacio.
Ano ang kahalagahan ng ala-ala at pakikibaka ni Andres Bonifacio sa sambayanang Pilipino?
Unang-una, bilang karaniwang manggagawa ay itinaguyod nya ang kanyang mga kapatid. Ito ay ang katangian na dapat magkaroon ang mga mamamayan. Itaguyod natin ang ating mga adhikain na walang pagtitimpi sa ikabubuti ng lahat.
Pangalawa, isinulong nito ang reporma ng kalakaran at kahit pa ang pagkakapantay-pantay sa karapatan ng mga Pilipino at dayuhang mamamayan bilang mga tao. Bago pa man isinulong ang radikal na pakikibakang kalayaan ay naging taga-suporta ni Jose Rizal at iba pang mga kabataan sa pagsusulong ng patas na pagkilala sa mga karapatan sa ilalim ng koronang Espanyol. Hindi nito sinalungat ang pakikibakang ito bagkos ay kabahagi para sa mas mataas na porma sa pagsusulong ng himagsikan.
Pangatlo, pinangunahan na nito ang radikal na pakikibakang kalayaan at pagsasaayos sa lipunang Pilipino. Ito ang himagsikang Katipunan.
Sa larangan ng reporma at rebolusyon isinulong ni Andres Bonifacio ang pagbabago. Rebolusyong naisakripisyo ang kanyang personal na kaligayahan ngunit mas naging lubos na kaligayahan pa ang pag-alayan ang kanyang mga kapwa mamamayan.
Sa kasalukuyan ay nahaharap tayo sa mga hamon na pwedeng paghahati hatiin at pag-aaway-awayin ang mga mamamayan. Ang pagsusulong ng rebolusyonaryong goberno umano ng mga taga-suporta ng pamahalaang Duterte o maging mismo ng Pangulo Duterte ay pagbabalat-anyo. Nagtatago ito sa pagsusulong ng Pederalismo, kapayapaan sa Mindanao, kontra-terorismo at droga at panukalang pagbabago sa saligang batas. Maliwanag sa mga pangyayari ngayon na ang rebgob na kagustuhang isinusulong ay palamuti lamang sa hangaring panghawakan ng iisang tao o grupo ang kapangyarihan na patakbuhin ang buong bansa. Ang mga hindi aayon at bumabalikwas sa kagustuhang ito ay kikilalaning traydor sa bayan. Gagamiting instrumento ang pederalismo at charter change upang ganap na tanggalin ang mga probisyong pumuprotekta sa interes ng bansa. Bubuksang ganap sa mga kapitalistang (dayuhan at lokal) interes ang soberenya ng bansa. Ang hindi hayagang pagbigkas na tatanggalin ang paghaharing dinastiya ng mga tagasulong ng pederalismo ay pagpapatunay na mas maging makapangyarihan ang mga tradisyonal na politikong angkan sa mga estadong itatayo. Mas maisasantabi ang interes ng mga pamayanan.
Si Andres Bonifacio dahil sa tinuligsa nito ang patraydor at pangmamaliit na halalan sa Tejeros ay pinaratangang traydor sa bayan ng naupong Emilio Aguinaldo at pinatay. Sa pagnanais ni Bonifacio na isulong ang kapakanan at boses ng mga maliliit at karaniwang mamamayan nagbunga ito ng kanyang kamatayan hindi na sa kamay ng dayuhang kaaway kundi sa mga nagpapanggap na ka-uri at kahanay.
Ang hindi pagkilala sa tunay na diwa ng demokrasya at karapatang pantao ay nilabanan na nila Andres Bonifacio noon sa mapayapa at madugong paraan ngunit ninakaw ito ng maka-iilang interes maging hanggang ngayon. Matapos mapatalsik ang diktaduryang Marcos ay inagaw ang pakikibakang bayan ng elitistang paghahari sa pangalan uli ng demokrasya. At ang pagkamuhi ng mga mamamayan sa liberal na demokrasyang maka-kapitalista ay sinunggaban na naman ng interes ng mga kapitalista at tagasulong ng awtoritaryanismo.
Noon at hanggang ngayon ay pagsantabi sa karaingan at interes ng mga manggagawa, magsasaka, katutubo, Moro, kalikasan at mga komunidad ay hayagan at ang mas kalabisan pa ay ang pagsawalang respeto at pagkilala sa diwa at esensya ng karapatang pantao.
Hindi pa lubos na natapos ang laban ni Andres Bonifacio at patuloy pa ang paghahari ng maka-iilang interes. Mapanlinlang ang liberal na demokrasya ngayon tulad ng kina Aguinaldo noon.
Ang rebolusyong hindi nagmula sa mamamayan ay taliwas sa rebolusyong inilunsad nila Andres Bonifacio at Katipunan. Ito ay pagkukubli at panlilinlang tulad ng kina Aguinaldo.
Ang mga masang mamamayan at pamayanan ang marapat na may malaking bahagi sa pag-ukit at paghubog ng mga pagbabago sa lipunan ngayon at bukas.
Depektibo at sakitin ang kasalukuyang liberal na demokrasya, kaya dapat lamang na gamutin ng buong sambayanan at hindi sa diktaduryang paraan.
Itatag ang Pamahalaang Tunay na pagmamay-ari ng mga Mamamayan!
Wakasan ang demokrasyang maka-iilan!
Isulong mga demokratikong karapatan ng Lumad, Moro at Migranteng Pilipino sa Mindanao at Pilipinas!
Huwag magpalinlang!
Labanan ang Pekeng RebGob!
Ituloy ang Himagsikan!
MindanaOne
30 Nobyembre 2017
Photo source: https://www.google.com.ph/search?q=andres+bonifacio&rlz=1C1CHBF_enPH761PH761&source=lnms&tbm=isch&sa=X&ved=0ahUKEwi59Oi1kvjXAhWHjZQKHQ_BAS8Q_AUICigB#imgrc=z99BEKwAxlblmM:
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento