Ipinapaabot ng MindanaOne TriPeoples' Movement for the Advancement of Peoples' Democratic Rights o MindanaOne ang mainit na pagbati sa buong Timuay Justice and Governance sa pagdaos ng ika-tatlong Pangkalahatang Asembliya nito mula Abril 16-19, 2017 sa Nuro, Upi, Maguindanao.
Ang pagtitipong ito ay napapanahon sa kasalukuyang konteksto upang mas kolektibong igiit ng tribong Teduray at Lambangian ang mga karapatan nito sa usaping lupaing ninuno, kalikasan, kapayapaan, pang-ekonomiya, kultural at bilang mamamayan sa bagong administrasyong Duterte.
Napapanahon ito dahil kasisimula pa lang ng Bangsamoro Transition Commission ng GPH at MILF na negosasyong mag-latag ng mekanismo ng pag-usad sa pagtalakay ng panibagong panukala para sa pagtatatag ng bagong Bangsamoro political entity na kung saan ang pagkakilanlan, teritoryo at sistema ng pamamahala ay may napapaloob.
Makahulugan ang pagtitipong ito bilang pagbubuklod ng buong tribu sa patuloy na pagsusulong ng Amcestral Domain Claim at iba pang mga demokratikong karapatan. Ang ilang mga People's Organization ng mga tribong Teduray at Lambangian ay naging kasama po ng MindanaOne sa panimulang pagkatatag nito.
Naging mahalagang ambag ng mga tribo ang sistemang kolektibong pamumuno at kolektibong demokrasya sa loob ng MindanaOne. Inspirasyon para sa buong kasapian ng MindanaOne ang determinasyon at sigasig ng mga Lumad sa pagsusulong ng kanilang mga karapatan at pagtatanggol sa kalikasan.
Sa kampanyang "Full Inclusion of the IP Rights in the Bangsamoro Basic Law" at maging sa kampanya laban sa mapangwasak sa kalikasan sa loob ng teritoryo ay mas nakilala ng MindanaOne ang determinasyong ito.
Nakasama din ng MindanaOne ang mga Lumad o Katutubong Teduray, Lambangian at iba pang tribu sa buong Mindanao sa pangangampanya para sa mga Karapatan sa Sariling Pagpapasya, mga demokratikong karapatan at kapakanan ng mga mamamayan sa Mindanao.
Ang Timfada Limud ay isang makahulugan at makabuluhang ispasyo na kung saan kolektibong natatalakay at nadedesisyonan ang mga mahalagang usapin ng tribu na bukas at kalahok ang lahat. Ito ay mahalagang salik ng demokratikong pamamahala at pamumuno na dapat magkaroon ang mga antas ng pamahalaang Pilipinas.
Sa bagong pamunuan ng TJG sa pamumuno ni Timuay Labi Sannie S. Bello na itinalaga ng 3rd Timfada Limud na ito, ipinapaabot namin ang aming Pagbati at patuloy na pakikiisa sa anumang kaparaanan.
Sa buong Timuay Justice and Governance, aming mainit na pagsaludo at pagkilala sa inyong mahalagang kontribusyon para sa pagkamit ng makatarungan at mapayapang lipunan.
Makakaasa ang TJG at mga mamamayang Lumad na sa loob ng MindanaOne ay kaisa natin ang Bangsamoro at Mamamayang Migrante sa pagsusulong para sa pangakalahatang kapakanan at karapatan.
Meuyag!
ABULCAIR BALINDONG
National Chairperson
MindanaOne
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento