Huwebes, Pebrero 2, 2017

TAGUMPAY! TULOY ANG LABAN AT PAGBABANTAY SA KALIKASAN!

Ika-2 ng Pebrero taong 2017 ay nagpahayag sa publiko ang Sekretarya ng Kagawarang Pangkalikasan Gina Lopez na ipapasara nito ang 21 na minahan sa bansa dahil napatunayan umano sa kanilang isinagawang imbestigasyon ang masamang idinulot ng mga ito sa kalikasan at mga komunidad at ang paglabag nito sa mga reglamento ayon sa batas na umiiral sa bansa. Ilan sa mga paglabag ay ang kontaminasyon ng mga ilog at dagat, iligal na pagputol sa mga puno at ang pagkasira sa mga watersheds. Sinuspende din umano ang anim pa at ipinagpaliban muna ang aplikasyon ng isa pa.

Timuay Justice and Governance's Ingid Fintailan Anti-Mining Campaign Poster.
It says: "Babae, Lupaing Ninuno at Buhay ay Magkaugnay. Lupaing Ninuno ay Buhay. Babae nagluwal ng Buhay."
Isa itong malaking tagumpay para sa mga komunidad na apektado ng mapangwasak na negosyong ito at maging sa mga nagsusulong ng Katarungang Pangklima. Malaking tagumpay din ito para sa mga komunidad ng mga Katutubo/Lumad na kung saan naroroon itong mga dambuhalang negosyong pagmimina.

Ngayon ay dapat nang ilabas at isilbi ang mga Kautusang Pagsasara at Pagsuspende at mas paigtingin pa ang pagpapatupad sa mga Pangkalikasang mga batas.

Panawagan din natin na:
1.      Papanagutin itong mga korporsayong lumabag sa mga pangkalikasang batas at mga nagkasala at bayaran ang mga kawasakang dulot nila sa mga komunidad;
2.      Pang-institusyon o burukrasyang pagsasaayos at pagpuksa ng kurapsyon at iregularidad sa  loob ng mismong kagawaran;
3.      Pagbibigay suporta sa mga komunidad at pagseguro sa mga karapatan at kapakanan ng mga manggagawang apektado ng pagsasara at suspensyong ito;
4.      Pagbasura sa Philippine Mining Act of 1995 at pagkakaroon ng bagong maka-mamamayan at maka-kalikasang batas na sang-ayon sa mga umiiral na pangkalusugan, pangKatutubo at Karapatang Pantaong mga batas;
5.      Imbestigahan ang kasalukuyang mga eksplorasyon lalo na sa mga Lupaing Ninuno ng mga Lumad, AT IPATIGIL ANG OPERASYON ng mga hindi dumaan sa Free, Prior and Informed Consent (FPIC) ng mga tribu at lumabag sa Indigenous Peoples’ Rights Act ng 1997.
6.      Patuloy na wala munang iaproba o payagang mga kontrata at panibagong operasyon;
7.      Paigtingin pa ang Komprehensibong AUDIT sa mga negosyong Mina, Enerhiya (Fossil-based), Agrikultura, Pagtotroso at Pangkaunlarang Proyekto sa buong bansa lalo na sa Mindanao at mga Lupaing-Ninuno ng mga Lumad at Bangsamoro;
8.      Patuloy na pagbibigay ng puwang sa interes ng Kalikasan at karaniwang mamamayan sa usaping pambansa.

Nasa loob pa rin ng pampulitikang kapangyarihan ang mga Kapitalista na kasosyo ang mga dayuhang mangangapital. Balangkas pa rin ng pambansang ekonomiya ang patabain ang tiyan at bulsa ng mga negosyante kaysa maging malusog ang mga komunidad. Susukatin ang administrasyong Duterte ng hamong ito, Sambayanan at Kalikasan o mga Kapitalistang Kaibigan?

Kaya mas paigtingin pa natin ang ating pagkilos sa lahat ng larangan para sa mga karagdagang tagumpay at patuloy na pagbabantay!

Abulcair Balindong

National Chairperson, 
MindanaOne

3 Pebrero 2017


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento