Mahalagang maunawaan ng bawat mamamayan ang mas malalim na dahilan sa paggunita ng People Power Revolution o EDSA Revolution ngayong Pebrero 25, 2017. Higit pa sa pag-alsa ng sambayanang Pilipino laban sa higit dalawang dekadang diktadurya ng rehimeng Marcos ay ang pagkilala sa lakas at kakayahan ng mamamayan ng mag-alsa, kumilos at labanan ang hindi makatarungan at hindi makataong pamunuan. Ang palagiang pag-alala at pagsusuri sa mga nangyari sa nakaraan ay kinakailangan upang ito’y hindi na maulit pa.
Puno ng sorpresa ang administrasyong ito. Sa mahigit pitong buwang pag-upo nito ay nakakabahala ang mga biglaang deklarasyon, posisyon at panukala. Ang mataas na bilang sa mga napaslang dahil sa druga at ang pagbuhay ulit sa Death Penalty ay nakakabalisa lalo pa’t nangangako ang administrasyong ito ng pagbabago. Kaya naman ay nagkukumahog na ang kanyang mga kaalyado sa Kongreso na maumpisahang matalakay ang nasabing panukala habang binabaliwa ang imbestigasyon sa mga sangkot sa extra-judicial killings. Hayagang sinabi ni Pantaleon Alvarez, ang House Speaker ng kasalukuyang Kongreso, na hindi siya mag-atubiling paalisin sa mga posisyon ang kumokontra sa death penalty. Sa kabila ng malawakang protesta laban sa panukalang ito ay hindi pa rin natitinag ang mga sumusulong nito. Ang ganitong uri ng pamumuno ay hindi na bago at walang pinagkaiba sa mga nagdaang administrasyon.
Kamakailan lang din ay idineklara ng ng pangulong Duterte ang all-out-war laban sa mga New People’s Army (NPA) at pagtigil sa usaping pangkapayapaan sa pagitan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Dahil dito, ay nakapagtala na ng humigit kumulang 30 na sagupaan sa pagitan ng mga sundalo at rebeldeng grupo na kumitil sa buhay ng iilan at labis na nakaapekto sa mga komunidad na pinangyarihan.
Ang Kilusan ng mga Lumalabang Mamamayan para sa Pagbabago ng Bayan (KILOS BAYAN) at Alyansa ng mga Mamamayan para sa Karapatang Pantao (AMKP) ay naniniwala na ang pagbabago ay hindi lamang para sa iilang tao kundi kabahagi ang lahat ng uri ng mamamayan na nakaayon sa karapatang pantao.
Sa ika-31 taong paggunit ng EDSA Revolution, kami ay
Tutol sa pagpapabalik ng Death Penalty. Kami ay naniniwala na bulok ang sistemang pang-hustisya sa Pilipinas na mas kinikilingan ang mga mayayaman at nasa kapangyarihan. Ang pagbabago sa sistemang panghustisya ang dapat na tugonan at ang pagpataw ng habang buhay na pagkabilanggo sa mabibigat na mga kasalanan ang mas ipatupad kasabay ang pagbibigay ng mga suportang programa para sa pagbabago ng nagkasala.
Ideklara ang tigil putukan at ipagpatuloy ang usaping pangkapayapaan ng pamahalaang Pilipinas at ng NDFP. Higit na apektado ang komunidad dahil sa armadong sagupaan at maraming mga sibilyan ang nadamay at nawalan ng hanapbuhay. Tigilan na ng NPA ang malawakang pag-rekrut sa mga katutubo dahil ito ay nagdudulot ng pagkahati-hati at pag-aaway sa pagitan ng mga myembro ng tribu.
Pagtuonan ng pansin at panahon ang mga serbisyong panlipunan na pangunahing pangangailangan ng mamamayan katulad ng pangakong wakasan ang kontraktwalisasyon sa paggawa at pagbibigay ng regular na trabaho; pagsakatuparan ng desenteng sahuran sa mga manggagawa, pagsasaayos ng sistema sa pagkuha ng benepisyo ng mga senior citizens, regulasyon sa pagtaas ng mga bayarin sa paaralan, at iba pa.
Hinihimok ang mga mamamayan na patuloy na maging kritikal sa lahat ng anggulo ng pamamahala at maging aktibo sa mga kilusan upang hindi na maulit pa ang hindi makatao at mapang-aping sistema ng pamumuno na tumatak sa kasaysayan ng Pilipinas.
Ang pagiging kritikal at aktibo ng mamamayan ang siyang tunay na diwa ng demokrasya!
----
Kilusan ng mga Mamamayan para sa Pagbabago ng Bayan (KILOS Bayan)
Pebrero 25, 2017
Cotabato City