Huwebes, Oktubre 13, 2016

Pahayag: Gamutin ang Kahirapan! Isulong Karapatan ng mga Mamamayan! - ALTAHR




Kami, pitum po’t siyam (79) na delegado na kumakatawan sa iba’t-ibang organisasyon, kilusan, tribo at pamayanan na nagsusulong upang palaguin ang karapatang pantao ng mga indibidwal, grupo at sektor na nagmula sa siyam (9) na probinsya ng Mindanao na dumalo sa Mindanao Human Rights Conference na ginanap noong ika 10-11 ng Oktobre taong 2016 sa Dapit Alim, Simbuco, Kolambugan, Lanao del Norte. Ang Komperensyang ito ay inilunsad upang kolektibong pag-usapan ang kasalukuyang kalagayan at hamon sa karapatang pantao at balangkasin ang aming sama-samang pagtugon at panawagan sa gobyerno at sa buong sambayanan.

Sa pagtataguyod ng karapatang pantao, kami ay aktibong nag-oorganisa ng aming hanay at komunidad, pinapataas ang aming kamulatan at kaalaman sa iba’t ibang isyu ng lipunan, nagdo-dokumento ng mga kaso sa paglabag ng karapatang pantao at nagkikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya at sangay ng gobyerno (duty bearers) upang maging ganap na maisakatuparan ang karapatang pantao para sa lahat;

Sa kabila ng ating sama-samang pagkilos,

Sobra kaming nababahala sa lumalawak at tumitinding problema sa ipinagbabawal na gamot na sumisira sa bawat hibla ng ating lipunan at nagdulot ng malawakang kasiraan at masamang epekto sa kalusugan at kinabukasan ng mga kabataan at ng buong sambayanan. Kung kaya, ito ay isang pundamental na usaping karapatang pantao na nangangailangan ng sersoyo at agarang tugon; ngunit,

Mas lalo kaming nababahala sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga namamatay araw-araw dahil sa iba’t-ibang operasyon ng awtoridad at kapulisan, ng mga hindi kilalang grupo at pangyayaring summary executions o extra-judicial killings sa loob pa lang ng isang daang (100) araw ng panunungkulan ng administrasyong Duterte. Kabi-kabilang patayan hindi lamang sa kampanya kontra druga kung hindi pati na rin ang mga insidenteng pagpatay sa mga lider-Lumad, manggagawa at mga magsasaka;

Kami ay nangangamba din sa mga hindi makatarungang pag-aresto (warrantless at illegal arrests), pananakot (harassment) at iba pang porma ng paglabag sa karapatang pantao na aming nado-dokumento sa maraming komunidad sa Mindanao.

Kami ay naniniwala na,

Ang tumitinding kahirapan ang pinag-ugatan ng mas maramipang panli punang problema bahagi rito ang mabilis na paglaganap ng droga. Tumitindi ang kahirapan dahil ng kakulangan sa disenteng trabaho at serbisyo- sosyal gaya ng pabahay, pangkalusugan, pang-edukasyon; bahagi din ang kakulangan sa programa para sa mga bulnerabling sektor tulad ng mga may kapansanan, kabataan, kababaehan, nakatatanda at mga biktima ng gyera at kalamidad; kawalan ng tunay at ganap na pagpapatupad ng repormang agraryo at IPRA; pagkasira ng kapaligiran dulot ng pagmimina, pagtotroso, at pagtatayo ng maraming coal-fired power plant na lumalaganap sa Mindanao; pang-aabuso sa trabaho at diskriminasyon base sa kasarian, edad at pagkakilanlan; hindi pagkilala sa Karapatan sa Sariling Pagpapasya at Lupaing Ninuno ng mga Bangsamoro at Lumad; patuloy na kaguluhan sa Mindanao; at kurapsyon sa gobyerno. Ang kondisyung ito ang nagtulak sa karamihan upang masangkot sa mga anti-sosyal na gawain at (gumawa ng) kriminalidad tulad ng pagtutulak ng ilegal na druga.

Karapatan ng lahat ang Karapatang Pantao, na walang pagkiling sa anumang katayuan sa buhay, edad, kasarian, pagkatao, nasyunalidad, relihiyon at pampulitikang paniniwala kung kaya’t ito ay dapat protektahan ng gobyerno sa lahat ng panahon at pagkakataon;

Ang suliranin sa droga ay higit pa sa pampulisyang usapin, ito ay isang panlipunan at pangkalusugang usapin din. At ang kampanya laban sa druga ay dapat patuloy na magpo-protekta sa buhay ng bawat isa lalung-lalo na ang mga kabataan na magtataguyod sa susunod na henerasyon. Ang problema sa droga ay isang panlipunang suliranin, kaya susi sa paglutas dito ang sama-samang pagkilos at partisipasyon ng iba’t-ibang sangay at sektor ng lipunan lalung-lalo na ang mga pamilya, tribo, mamamayan at komunidad.  Ang partisipasyon ng mga mamamayan sa pagdesisyon at pagbalangkas ng mga programa para pagtugon sa problema sa droga ay importanteng mekanismo upang maging angkop at epektibo itong masugpo at mawakasan.  

Kaya kami ay nananawagan sa administrasyong Duterte, sa mga kasama sa panlipunang mga organisasyon at sa buong sambayanan, na agarang tugonan ang lumalawak at tumitinding kahirapan,  na pairalin ang panlipunang hustisya bilang pundasyon sa pagpuksa sa mga suliraning druga, kriminalidad at kurapsyon. Kaakibat dito ay ang pagpapatupad ng mga makatao, maka-sambayanan at angkop na mekanismo sa pamamahala kung saan ang paghubog, pagdesinyo, pagdesisyon at pagpapatupad sa mga polisiya, programa at serbisyo ay may makabuluhang paglahok ang mga mamamayan at komunidad. Ang kahirapan, gutom at kawalang oportunidad at kabuhayan ay ang sakit ng lipunang marapat na pagtuonan ng pansin at ating pamahalaan.

Sa sama-samang pagkilos ng mga mamamayan para sa usaping pangkapayaan, kaunlaran at hustisya ay maisakatuparan ang tunay na pagbabago para sa isang lipunan na may dignidad at ang pagtiyak na kalahok ang mga mamamayan at komunidad sa mga usaping ito ay katungkulan ng pamahalaan.

Gamutin ang Kahirapan! Isulong Karapatan ng Lahat ng Mamamayan!

Alliance of the Tri-People for the Advancement of Human Rights (ALTAHR)
Dapit Alim, Brgy. Simbuco, Kolambugan, Lanao del Norte
October 11, 2016

Reference Person

Jennevie Cornelio
Secretary-General, ALTAHR
Mobile #: 09061370457

-----------------

Inendorso at sinusuportahan ng 36 na mga organisasyon panahon ng pangalawang Mindanao Human Right Conference) na inorganisa ng Alliance of Tri-people for the Advancement of Human Rights (ALTAHR kasama ang Tri-people Organization against Disaster (TRIPOD) Foundation, Kaagapay OFW Resource and Service Center (Kaagapay OFW), Lanao Alliance of Tri-people Advocates (LAHRA) at Alyansa ng mga Mamamayan para sa Karapatang Pantao (AMKP).

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento