Parte
ng aking presentasyon sa panahon ng Maguindanao-Cotabato Youth Peace Camp ng
Alyansa ng Kabataang Mindanao para sa Kapayapaan. Ginanap ito noong Aril 29
hanggang Mayo 1, 2016 sa Badak Resort, Badak, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.
|
Kuhang larawan ni Butch Salic. Iilan sa mga delegado sa Maguindanao-Cotabato Youth Peace Camp. |
Magandang Araw sa Lahat!
Isang prebilihyo ang makapagsalita
sa harap ng mga lider-kabataang tulad ng pagkakataong ito. Binabati ko po ang
mga organisador at tagasuporta nitong Maguindanao-Cotabato Youth Peace Camp ng
Alyansa ng Kabataang Mindanao para sa Kapayapaan (AKMK).
Ang patuloy na pagkakaroon ng
ispasyo upang mag-usap at magpalitan ng mga pananaw upang buklod na tugunan ang
mga hamon bilang kabataan ay mahalaga at nararapat lang na ipagdiwang. Sa loob
ng labin-tatlong taon buhat nang maitatag ang Alyansa ng Kabataang Mindanao
para sa Kapayapaan ay nanatili itong tagpuan natin upang sabay na humakbang.
Laging sinasabi na ang kabataan ang
pag-asa ng bayan at hindi pala-asa o hindi paasa. Ang pagsasalarawang ito ay
hindi simpleng katagang lutang kundi punong-puno ng hugot at batayan.
May mga nauna nang nagpatunay na
ang kabataan ay malakas na pwersang gumawa na ng guhit sa kasaysayan sa mundo.
May mga kilalang personalidad at kilusan sa ibang bahagi ng mundo at maging
dito sa ating konteksto.
Nariyan ang mga tulad nila
Apolinario Mabini, Emilio Jacinto, Andres Bonifacio, Jose Rizal, Gregorio del
Pilar, Heneral Juan Luna, Gabriela Silang at marami pang ibang di tanyag. Nariyan din ang mga kilala sa daigdig
na nakibaka para sa kagalingan at kapakanan ng mga mamamayan tulad nila Karl
Marx, Vladimir Lenin, Fredriech Engels, Fidel Castro, Ernesto Guevara, Nelson
Mandela, Leon Trotsky, Rosa Luxemburg, Antonio Gramcsi at iba pa sa iba’t-ibang
larangan. Alam ko na maraming tulad nila Sultan Kudarat, Nur Misuari, Hashim
Salamat at mga bayaning Katutubo pa na hindi naging tanyag pero mahalaga ang
ambag para sa karapatan ng mga pamayanan.
Sa panahon ng diktaduryang Marcos
kung saan ay bawal ang kahit na magpulong ang magkapitbahay lalo na seguro ang
ganito kadami dahil banta umano sa seguridad ng bayan na sa katotohanan naman
ay banta lamang laban sa diktadurya, ay maraming katulad din ninyong kabataan
ang hinarap ang hamon laban sa pagkitil sa karapatan at kalayaan ng mga
mamamayan. Ang katulad nila Edgar Jopson, Lorena Barrios, Hilao sisters, Jan
Quimpo, Conrado Balweg, at marami pang anak ay nag-alay ng buhay para sa
sambayanan. Maging matapos ang diktadurya ay may katulad nila Lean Alejandro na
biktima ng maka-iilang interes. At maraming nagpapatuloy pa.
Iyon ay dahil sa kalagayan at
konteksto ng mga panahong iyon. Ang mga kabataan ang pinakahanda at
pinakamatalas mag-isip at sumuri ng kalagayan nila. Sila din sa panahong iyon
ang nag-organisa sa lahat ng seksyon ng lipunan at mga mamamayan.
Sa kasalukuyan, marami pa ring
tulad nung mga nabanggit at di ko nabanggit na mga pangalan. Subalit, iilan na
lang sila kumpara sa pangkalahatan. Kung noon ay PAG-ASA ang turing, mukhang
PAASA at PALA-ASA na lang. Hindi ito dahil gusto ng mga kabataan kundi itinulak
sa ganitong sitwasyon ng sistemang ummiral. Hinati, nilinlang at nilibang ang
kabataan ng teknolohiya at partisan mainstream social organizations.
Napapansin natin na mas babad ang
kabataan sa internet kaysa aralin ang lipunan. Mas malawak ang pag-oorganisa sa
mga barkadahan kaysa socio-civic at political mass organizations. Pero atleast
andun pa rin yung katangian ng pakikipag-ugnayan. Subalit, mas matingkad ang
PAGKA-INDIBIDWALISTA kaya napakadaling puksain ang anumang init at inisyatiba
ng mga kabataan para sa pagbabago. Abala ang kabataan sa kasalukuyan sa pag-iisip
kung paano suklian ang pamilyang nagpaaral sa kanya kaya hindi prayoridad ang
paglahok sa mga organisasyon sa paggawa dahil bawal sabi ng may-ari ng negosyo;
kapit sa pulitikong kuno ay sponsor ng scholarship nito; wala pa dito ang
kalagayang di na nakapag-aral kaya kailangang magsikap para mabuhay sa anumang
paraan.
Mula taong 2005 hanggang 2013 ay 7%
hanggang 8% ang naitalang kawalang trabaho sa Pilipinas ayon sa International Labor
Organization; hindi bababa sa anim na milyon ang naitala ng National Statistics
ang walang trabaho; umangat daw ang bilang ng may trabaho pero hindi naman
sustenable dahil sa kalakarang kontraktwal. Maraming nagugutom at mababa ang
serbisyong panlipunan. Talamak ang kurapsyon at nanatiling Malaya ang mga
mandarambong. Patuloy ang pangingitil ng buhay ng mga nakikibaka at lider ng
mga kilusang panlipunan.
Ang mga ganitong kalagayan, ay gaya
din noong panahon nila Rizal at Bonifacio. Tulad din ito nung panahon nila Che
Guevara sa kanilang mga konteksto. Bakit kaya kay hirap pakilusin ang kabataan
ngayon? Bakit ba ang hirap mag-organisa?
Ngayon ay panahon ng halalan.
Magpapalit tayo ng pamunuan sa bansa at ating mga lokalidad. Maraming
nagpapapili ngayon. Maraming magagaling at matatalino para paglingkuran ang
mamamayan.
Sa kabilang banda ay polisiya at
hinahayaan ng pamahalaan ang Kontratwalisasyon at pagbabawal sa mga
manggagawang bumuo ng union; malawak ang nagugutom at naghihirap; malawak ang
isinadlak ng pagmamalimos sa kanilang mga karapatan sa mga may kapangyarihan;
nangingibabaw interes ng mga gahamang kapitalista at pulitiko.
Maliwanag, ang halalan ay palaruan
ng mga korporasyon at maka-iilang interes. Pero ito sana noong una ay isang
paraan upang ang isang lipunan ay kolektibong pumili ng kanilang mga pinuno.
Ngayon, ay tila isang horror na comedy na thriller at crime movie.
Pinangibabawan na ng interes ng mga gustong manatili sa kanilang kapangyarihan
at sa mga uhaw sa kapangyarihan.
At nakikita natin ang kabataan kahit
saan sa mga grupong ito… bilang taga-dikit ng poster, taga-distribute ng
leaflets, taga-sayaw at taga-aliw sa mga botanteng kinakapanyahan, taga-flood
like and share sa mga social media, taga-mobilisa ng mga supporters at marami
pa. Mayron pa ngang sila mismo ang kandidato kapalit nung mga retired nang
kamag-anak sa tungkulin.
Hindi naman din ibig sabihin na
wala nang mabuting naiambag ang kabataan sa kasalukuyan. Andyan pa kayo na mga aktibista
sa kapayapaan, kalikasan, karapatang pantao, bantay ng halalan at nag-oorganisa
para sa panlipunang katarungan. Subalit hindi pa sapat.
Dito mismo sa lugar na malapit sa
atin, tatlo na ang nagpakamatay dahil sa kawalan ng pag-asa dulot ng EL NINO at
kahirapan; maraming bilang na ang lumikas mula sa kanilang mga tirahan upang
makipagsapalaran sa ibang lugar; may mga naibenta na ang mga alagang hayop
upang itaguyod ang buhay; marami na ang nilisan ang pamilya upang makahanap ng
paraang tustusan ang pangangailangan… ilan sa atin dito ang kahit sa isip man
lang ay sinubukang tumulong o ang ishare ang mga balita tungkol sa saklap na
kalagayan sa ating mga komunidad? Ilan sa atin dito ang nakakaalam at kahit
munting paraa’y gumawa ng paraan? Ilan ba sa atin dito ang nagreklamo sa mahal
ng presyo ng bilihin at petrolyo? Nung pinaslang ang mga nagtanggol sa kanilang
mga lupaing ninuno at teritoryo, may na-ipost ba tayo o napag-usapan ba natin
sa ating mga organisasyon? Nung may mga nagsilikas mula sa kanilang mga bansa
dahil taggutom, gyera at pinapatay sila at ilang buwan silang palutang-lutang
sa karagatan, may kahit pahayag ba tayo? Ilan sa atin dito ang nagalit dahil sa
baba ng sahod ng mga manggagawa? Ilan sa atin dito ang nagpakita ng kilos laban
sa pagwasak ng kalikasan? Alam ko marami sa inyo dito may mga ginawa at mayron
ding wala… at sana matapos itong pagtitipon ay kikilos na lahat tayo.
Hindi ito upang sumbatan tayo kundi
upang masubukan nating iugnay ang ating mga sarili sa mga usaping panlipunan at
ipaalala sa atin na ang lahat ng bagay at kaganapan sa ating paligid ay nakakaapekto
din sa atin at sa kinabukasan. At patuloy ito na hamon sa ating lahat. Hindi
ito obligasyon ng isang tao lang. Responsibilidad natin ito sa ating mga
kapatid at mga susunod na henerasyon.
Naririnig natin ngayon ang iilang
mga dinadahilan sa mga ayaw gumawa ng paraan tulad ng walang pamasahe, hindi makapag-meeting
dahil sa busy schedules, hindi naipapatupad ang napagkasunduang plano, hindi
makakilos dahil walang pundo… ang mga ganitong sitwasyon ay sinyales ng paghina
ng kilusan at diwang kabataan.
Hindi ang anumang kakulangan ang
makakapigil sa kabataan upang kumilos., napatunayan na ito ng kasaysayan. Dahil
ang kabataan ay malikhain at kilalang movers na hindi natitigilan ng kahit
anong kakulangan. Malawak at matalas mag-isip ang isang anak kung paano
mag-ambag sa ikabubuti ng pamilya lalo na sa komunidad niyang kinalagyan. Hindi
pa din naman tayo hopeless. Kailangan lang segurong mag-reflect sa sitwasyon at
maiugnay ang bawat sarili sa lipunan. Unang una, dahil bahagi tayo ng lipunan
at kung anumang kalagayan at patutunguhan ng lipunang ito ay hindi pwedeng di
tayo maaapektuhan. Lahat ng mga hirap at sikap natin ay mapupunta sa wala kung
magkakagulo o kinitlan ka ng karapatan. Walang saysay ang lahat na pangarap
kung ang kalikasan natin ay tuluyan nang nawasak. Tayo ay bahagi ng sagot.
Bahagi tayo ng solusyon.
Ang halalan ay isa lang sa ating
mga armas upang maisulong ang ating mga karapatan at panawagan. Walang ilusyon
na ito ang tutugon at tanging paraan ng pagbabago dahil ang balangkas mismo at
sistemang umiiral ay sistemang maka-iilan at para manatili ang kapangyarihang
political at ekonomikal sa kamay ng iilan. Ngunit, pagkakataong ating maipaabot
ang ating mga panawagan sa mga di pa natin naaabot. Panahon ding maipasok sa
diskursong political ang ating mga agenda. Basta ang maliwanag huwag tayong
tumigil matapos ang halalan. Huwag nating isuko sa kamay ng iilan o iisang tao
ang ating kapalaran at ang kinabukasan ng ating bayan.
Una sa hamon natin ay ang
pagkakaroon ng malinaw na agenda; pangalawa ay ang matibay na buklurang
kabataan o kilusan; pangatlo ay ang pakikipag-ugnayan sa iba pang katulad natin
ng mga hangarin; pang-apat ay ang pagpapatuloy dahil nakakasawa ang paulit-ulit
na pagsisimula. Ibig sabihin natin dito ay ang pagkakaroon ng maliwanag na
balangkas at direksyon bilang kilusang kabataan.
Bago ako magtapos at magpasalamat,
sa kasalukuyang panahon kinakaharap natin ang napakaraming problema at isyu.
Panawagan natin ang Regular na Trabaho, Matinong Serbisyo Publiko, Sapat sa
Sweldo, Mababang Presyo, Reporma at Serbisyong Agraryo at Kapayapaan at
Kaunlarang para sa Lahat. Magkasama tayo para isulong ang Buhay at Kabuhayang
May Dignidad!
Kabataan, Lumaban! Manindigan! Kumilos!
Mabuhay at Maraming Salamat!
Tatay Remo Fenis
MindanaOne
Secretary General
April 29, 2016
NOTE: Maraming binanggit na di
naisulat.